Bago lumipad patungong Brunei para sa kaniyang state visit, nagbigay muna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng update hinggil sa sitwasyon ng bansa dahil sa Bagyong Aghon.
Sa kanyang departure speech, iniulat ng pangulo na nasa limang rehiyon sa bansa ang naapektuhan ng Bagyon Aghon.
Ito ay ang Regions 4,5,6,7, at 8 kung saan 12,043 pamilya o 26, 726 na mga indibidwal ang naapektuhan.
Tatlong airport at 29 na seaports naman ang naging non-operational, at may anim na siyudad at bayan ang nakaranas ng power outage.
Nasa 13 insidente rin ng pagbaha ang naitala sa mga rehiyong nabanggit, kung saan mayroon ding tatlong rain induced landslide o pagguho ng lupa dahil sa pag-ulan.
Kasunod nito, iniutos ni Pangulong Marcos sa mga ahensya ng pamahalaan ang whole-of-government approach sa pagtugon sa mga pinsala ng kalamidad.
Iniutos ng pangulo sa Department of Public Works and Highways at Department of Transportation ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at mga tulay habang ang Department of Agriculture at Department of Health ay inatasan para magbigay ng tulong sa mga naging biktima ng bagyo.