Mangangailangan na ng ‘whole of government approach’ para silipin ang isyu ng pagdami ng mga Chinese students sa lalawigan ng Cagayan.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, hindi lang Bureau of Immigration (BI) ang dapat na kumilos dito lalo’t may mga naunang ulat na ilang Chinese nationals ang may hawak ng Philippine passport at birth certificate na nakapasok at nagtatrabaho sa bansa sa ilalim ng mga POGO.
Pinakikilos agad ni Dela Rosa ang mga awtoridad na maimbestigahan ang isyu dahil nakapagdududa aniya na ang Cagayan na isa sa mga EDCA sites ng Pilipinas at Estados Unidos ay napaulat na dumarami ang mga Chinese students.
Iginiit ng mambabatas na dapat habang maaga ay maimbestigahan na ang isyu upang malaman kung may iba pang motibo ang presensya ng mga Chinese na ibinulgar ng isang UP professor na nagbabayad lang ng milyones kapalit ng degree.
Hindi isinasantabi ng senador ang pagdududa ng ilan na posibleng nag-eespiya ang mga Chinese sa bansa dahil sa kasaysayan ay may ganito ring nangyari noong sumiklab ang World War 2 kung saan ang mga sundalong Hapon ay nagpanggap na negosyante, trabahador at planters sa bansa para tayo ay masakop.
Iginiit pa ni Dela Rosa na normal lang kung magduda sa presensya ng mga Chinese nationals sa bansa lalo’t may basehan sa kasaysayan na inaagaw ng China ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.