Inaprubahan na sa Kamara ang isang resolusyon na humihimok sa gobyerno na gumamit ng “whole-of-nation” approach para sa epektibong pagtugon sa COVID-19 pandemic.
In-adopt sa plenaryo ang House Resolution 2413 kung saan inisa-isa ang iba’t ibang epekto ng pandemya, mula sa kalusugan, kabuhayan, ekonomiya, trabaho at iba pa.
Hinihiling sa resolusyon ang whole-of-nation approach upang matiyak ang mabisang pandemic response at “interventions” lalo na sa mga mahihirap na lubos na apektado ng pandemya.
Sa resolusyon, inirekumenda na palakasin ang pagpatupad ng “Social Reform and Poverty Alleviation Act” sa pangunguna ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) bilang coordinating at advisory body.
Dito ay titiyakin ang maaayos na implementasyon ng mga programa sa kasagsagan ng pandemya, wastong paggamit ng limitadong resources at epektibong pagdadala ng kinakailangang serbisyo sa mga “vulnerable” at mahihirap.