Cauayan City, Isabela- Bilang selebrasyon sa ika-isangdaan at dalawampung araw ng Kalayaan dito sa buong Pilipinas ay masayang ibinahagi ni ginoong Ginoong Rene Boy Cagalingan, isang mananaliksik ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) kung paano nakamit ng ating bansa ang kasarinlan laban sa mga kastila.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Cagalingan, aniya naging daan at sandata umano ang ating Wikang Pambansa upang makalaya sa malupit na pamamahala ng mga espanyol.
Nakamit umano ng bansang Pilipinas ang Kalayaan mula sa mga kastila sa pamamagitan ng pakikibaka ng mga rebolusyunaryong manunulat gaya nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at iba pang mga manunulat kung saan ginamit umano ang wikang tagalog upang udyukin ang mga kababayan na sumali sa katipunan.
Aniya, mula sa tatlong daang Pilipinong nahikaya’t ng mga manunulat gamit ang wikang tagalog ay umabot ito sa tatlumpong libong Pilipinong sumapi sa naturang kilusan na nakibaka laban sa mga kastila.
Ayon pa kay ginoong Cagalingan, ang Komisyon sa Wikang Filipino ay ang natatanging ahensya ng wika ng pamahalaan na nagunguna sa pagtataguyod sa pagpapalaganap at preserbasyon ng wikang pambansa maging sa isangdaan at talumpong wika ng mga katutubo ditto sa bansa.
Giit pa ni ginoong Cagalingan na patuloy lamang ang kanilang isinasagawang pagsasalin mula sa wikang ingles sa wikang Filipino upang paglingkuran ang mga ahensya ng pamahalaan kaya’t bukas umano ang kanilang tanggapan para sa mga gustong magpasalin ng wika.