Nagtapos na ang 48-oras na window hours na ibinigay sa mga residenteng naapektuhan ng Bulkang Taal.
Sa ilalim ng window hours, binigyan ang mga residente na makabalik sa kanilang mga bahay para maisalba ang kanilang mga naiwang mga gamit at hayop.
Ayon kay PNP Calabarzon Director, Brig/Gen. Vicente Danao Jr. – ngayong alas-5:00 ng umaga wala na dapat na makikitang tao sa mga danger zones.
Kasabay nito, sinabi ni PNP spokesperson, Brig/Gen. Bernard Banac – ipu-pull out na rin ngayong araw ang mga pulis na rumoronda sa loob ng danger zones.
Magbabantay na lamang sila sa risk control points sa labas ng danger zones.
Dagdag pa ni Banac – pwede pa rin silang magsagawa ng rescue sa mga pasaway, pero sakaling lumala ang sitwasyon ay huwag nang umasa ang mga nagmamatigas na residente.
Sinabi ni Phivolcs Volcano and Eruption Monitoring Division Chief Ma. Antonia Bornas – paiba-iba ang naitatalang aktibidad ng Bulkang Taal.
Kailangang maobserbahan ang bulkan sa loob ng dalawang linggo bago sila magpasya na ibaba ang alert level.
Sa ngayon, nananatiling nakataas sa alert level 4 ang bulkan.