Wire clearing operation kontra mga jumper, isinagawa sa Manila North Cemetery

Nagsagawa ng wire clearing operation ang Department of Engineering & Public Works (DEPW) katuwang ang Meralco sa loob ng Manila North Cemetery.

Ito’y matapos makatanggap ng impormasyon na talamak ang jumper o iligal na koneksyon ng kuryente ng mga nakatira sa loob ng naturang sementeryo.

Bawat kalye, museleo at mga bahay na nakatirik sa loob ng Manila North Cemetery ay sinuyod ng mga tauhan ng DEPW kasama ang pwersa ng Manila Police District.

Dito ay pinagpuputol at kinumpiska ang mga kawad ng kuryente na iligal ang pagkakakabit saka binigyan ng babala ang mga gumawa nito.

Giit naman ng mga residente, isang taga-Meralco rin daw ang nag-alok sa kanila na makabitan ng kuryente at binayaran nila ito ng ₱40,000 hanggang ₱50,000 kung saan lahat sila ay nilagyan ng mga sub-meter pero hindi naman nila pinangalanan.

Matatandaan na nitong nakalipas na araw ay sunod-sunod ang isinagawang clearing at cleaning operations sa Manila North Cemetery saka hinakot ang mga nakaharang sa daanan maging ang ilang videoke machine na itinatago pa sa loob ng museleo na ginawang tahanan.

Facebook Comments