Pinuri at kinilala ng mga senador ang Women’s Football Team ng Pilipinas na nagwagi laban sa host country na New Zealand sa ginaganap na 2023 FIFA World Cup.
Makasaysayan ito para sa bansa dahil ito ang unang panalo ng team Filipinas sa naturang sports.
Sa gitna ng sesyon mula opening prayer at sa manifestation sa floor ay ipinagbunyi ng mga senador ang kanilang panalo.
Mula naman sa New Zealand ay ipinagmalaki ni Senator Pia Cayetano ang Philippine team kung saan ang senadora ang tumatayong head ng ating delegasyon.
Aniya, kahit kakaunti lang ang kanilang delegasyon ay napakalakas naman ng sigaw ng mga Pilipino doon para sa ating team.
Hindi aniya mailarawan ang joy at pride na kanilang nararamdaman habang naroon sila sa Wellington Regional Stadium.
Nagpapasalamat si Cayetano sa lahat ng mga Pilipino na nagbigay suporta sa Philippine team.
Samantala sa July 30, makakalaban naman ng Philippine Football Team ang Norway na siya namang World Number 12 sa football.