Napuna ni Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor na ang mga Filipino nurses sa abroad ang madalas at pangunahing humaharap sa banta ng COVID-19 pandemic.
Ito ay matapos na maitala kamakailan na 30% ng mga nurses sa Estados Unidos na nagka-impeksyon ay mga Pinoy.
Ayon kay Defensor, dahil mas mahabang panahon at oras ang inilalagi ng mga Filipino nurses sa mga ospital kaya mas exposed sila at tinatamaan ng COVID-19.
Sinabi ng kongresista na hindi kasi nag-aalinlangan ang mga Filipino nurses na madagdagan ang kanilang trabaho kahit pa tuwing weekends o holidays o pumasok ng graveyard shift lalo na kung ang mga katrabaho nila ay biglang mag-off duty.
Batay sa pinakamalaking samahan ng mga nurses sa US na National Nurses United, 74 sa 245 na nasawi sa coronavirus disease sa America nitong Nobyembre ay pawang mga Pilipino.
Bukod sa hindi magandang work ethic ng mga Pinoy nurses sa abroad, ipinunto pa ng kongresista na dahil sa mataas na sahod at mga benepisyo na natatanggap ng mga ito sa kanilang mga foreign employers kaya’t iniisip ng ating mga nurses na ang kanilang ginagawa ay tama kahit pa naisasangkalan na dito ang kanilang kalusugan.
Dahil dito ay muling umapela si Defensor sa Kamara na pagtibayin na sa susunod na taon ang House Bill 7933 na layong doblehin sa ₱60,901 ang entry-level na sweldo ng mga government nurses upang hindi na nila pa kailanganing mag-abroad para kumita ng malaki at hindi na rin malalayo sa pamilya.