Work-from-home scheme, ipatutupad ng Manila LGU sa ilang empleyado nito

Ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang work-from-home scheme sa pagbabalik ng mga empleyado nito sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sa ilalim ng Executive Order No. 23 na nilagdaan ni Mayor Isko Moreno, magkakaroon ng alternatibong work arrrangement sa lahat ng departamento, bureau, offices at units kung saan kalahati lamang ng bilang ng empleyado ang papapasukin sa trabaho.

Ipinauubaya sa department heads ang pagpapatupad sa sistema sa kani-kanilang tanggapan at sila na rin ang mag-aasikaso upang mapairal ang social distancing sa bawat opisina para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ang mga empleyado na wala pang 21-anyos at 60-anyos pataas, mga empleyado na madaling mahawaan ng sakit at health risks gaya ng mga buntis ay isasailalim sa work-from-home arrangement, maliban na lamang sa mga empleyado na talagang kailangan sa serbisyo.

Ang mga empleyado na may travel history ay isasailalim sa 14-day quatantine, habang ang ilan sa kanila na nakitaan ng sintomas ay dapat makakuha muna ng clearance sa doktor bago payagang makabalik sa trabaho.

Mahigpit ding ipatutupad sa Manila City Hall ang ‘no mask, no entry’ policy, temperature check at ang pagdaan sa misting tent.

Hindi naman papapasukin ang sinumang susuway sa kautusan at sasampahan din sila ng kasong paglabag sa City Ordinance 8627 o ang pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar.

Facebook Comments