Work-from-home setup, isinulong ng isang kongresista sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon

Iminungkahi ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa gobyerno at pribadong sektor ang pagpapatupad ng work-from-home setup upang maproteksyunan ang mga empleyado sa matinding init ng panahon.

Suhestyon ito ni Villafuerte kasunod ng anunsyo ng PAGASA na aabot sa 52 degrees Celsius o mas mataas pa ang temperatura sa bansa dulot na rin ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Villafuerte, sa ilalim ng Republic Act 11165, o Telecommunicating Act of 2018 ay pinapayagan ang work-from-home arrangements kung saan magagampanan pa rin ng mga empleyado ang kanilang trabaho sa tulong ng telecommunications o computer technologies.


Diin ni Villafuerte, lubhang delikado ang matinding init ngayon ng panahon kaya malaking bagay kung hindi na kakailanganin ng mga empleyado na lumabas at bumyahe patungo sa kanilang trabaho.

Dagdag pa ni Villafuerte, ang work-from-home setup ay makakatulong din para masolusyunan ang problems sa masikip na daloy ng trapiko.

Facebook Comments