Working visa, posibleng gawing requirement sa mga dayuhang gustong magtrabaho sa bansa

Pinag-aaralan na ng gobyerno na gawing requirement para sa mga dayuhang nais magtrabaho sa bansa na magkaroon ng working visa.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III – kinakailangang kumuha muna ng working visa ang dayuhan sa pinagmulan nitong bansa bago makapagtrabaho sa Pilipinas.

Aniya, ang panukalang ito ay napag-usapan sa pulong nila kasama ang Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI), Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR).


Dagdag pa ng kalihim – magiging kauna-unahan din itong ipatutupad sa bansa.

Batid ni Bello na ang mga dayuhan ay pumunta rito sa bansa bilang turista at kumukuha na lamang ng special permit para makapagtrabaho at hindi na nila ito pwedeng hayaan pa.

Dahil sa panukala, sasalang sa mahigipit na screening ang mga banyagang gustong magtrabaho sa bansa.

Pero nilinaw ng DOLE na mananatili ang kasalukuyang sistema kung saan ang foreign worker ay sasailalim sa short-term employment at kailangang mag-secure ng special working permit mula sa Bureau of Immigration (BI).

Kung nais naman ang long-term employment, kailangang kumuha ng alien employment permit mula sa DOLE.

Facebook Comments