Pinagpa-public apology ng Department of Education (DepEd) ang World Bank matapos ang inilabas nitong resulta sa tatlong educational assessment na nilahukan ng bansa sa mga nakaraang taon.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, lumang-luma na ang datos na nilabas ng World Bank kung saan napahiya at nainsulto pa ang bansa.
Aniya, nilabag ng World Bank ang protocol kung saan dapat ay bigyan muna ng advance copy ng resulta ng mga assessment ang pamahalaan bago ito ilabas sa media.
“Una, lumang datos na alam na ng lahat – alam na ng congressman, alam na ng lahat ng critics ng education dahil nailabas na ito. Pangalawa, walang excuse me, ‘di namin alam. Ang practice is ipaalam mo sa isang bansa kung magpadala ka ng report ng ganiyan sa publiko. Nauna ang media,” Ani Briones.
Ang mga educational assessment na nilabas ng World Bank ay ang Program for International Student Assessment, Trends in International Mathematics and Science Study at Southeast Asia Primary Learning Metrics, na pawang isinagawa noong 2019.
Lumabas sa naturang mga assessment na nasa 80% ng mga mag-aaral na Pinoy ay hindi pa rin alam ang ilan sa mga importanteng kasanayan na dapat ay alam na nila para sa kanilang antas sa pag-aaral.