Manila, Philippines – Bilang bahagi ng commitment ng Department of Transportation (DOTr) na pababain ang ‘fatalities’ na resulta ng mataas na aksidente sa kalsada, pinangunahan ng ahensya ang isang motorcade kaugnay ng paggunita sa ‘World Day of Remembrance for Road Crash Victims.’
Ganap na alas-7:00 kaninang umaga, nag-umpisa ang motorcade na kinabibilangan ng DOTr, PNP, Armed Forces of the Philippines, fire volunteers, mga samahan ng motorcycle riders at iba pang sektor at ahensya ng gobyerno.
Naglibot sila mula sa U.P. Town Center sa kahabaan ng Katipunan Avenue papunta sa Commonwealth Avenue at pabalik upang ikampanya ang mas ligtas na kalsada para sa mga motorista at pedestrian.
Matapos nito, inilunsad naman ng Transportation Department sa isang seremonya ang tinatawag na Philippine Road Safety Action Plan 2017-2022.
Kung pagbabasehan ang tala ng World Health Organization (WHO), kada taon mahigit sa 1.25 milyong katao ang namamatay bunsod ng road traffic accidents – ang paggunita nito ay sinimulan noong taong 1993 ng grupong RoadPeace upang bigyan ng ‘public recognition’ ang mga road crash victims at mapalawak ang importansya ng road safety.
Samantala, maliban sa aktibidad sa Quezon City, ang Philippine Red Cross ay magsasagawa ng post-crashing training sa Lungsod ng Maynila mamayang alas-11:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.