Ngayong World Teacher’s Day, kinalampag nila ACT TEACHERS Representatives France Castro at Antonio Tinio ang mga kasamahang mambabatas na aprubahan na ang mga panukala na naglalayong taasan ang sahod ng lahat ng mga guro sa bansa.
Partikular na pinaaaprubahan dito ang House Bill 7211 o ang pagpapatupad ng P30,000 na entry level salary para sa mga public school teachers, P31,000 para sa mga instructors at P16,000 na minimum wage para sa mga government service employees.
Giit ng mga kongresista, napipilitan ang mga guro na mangutang na nagiging dahilan ng pagkabaon sa bayarin dahil sa hindi sapat na sweldo.
Nahaharap din ang mga guro sa work overload at iba pang sobrang trabaho na hindi na sakop ng kanilang teaching-duties.
Limang dekada na anila ng mabuo ang International Labor Organization/United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization Recommendation Concerning the Status of Teachers pero hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin ng mga guro ang umento sa kanilang sahod.