Pinaghahandaan na ng economic team ng pamahalaan ang worst case scenario na dala ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Civil Service Commission (CSS) Chairman Karlo Alexei Nograles, medyo nakakaluwag-luwag na ang bansa sa COVID-19 pandemic, kaya ang sitwasyon sa Ukraine ang siyang pinagtutuunang pansin ngayon ng economic team ng gobyerno.
Sinabi ni Nograles na walang nakakaalam kung hanggang kailan tatagal ang krisis sa Ukraine, kaya kailangan itong paghandaan.
Isa sa scenario na pinaghahandaan ng economic team ay ang posibilidad na tumagal ang walang patid na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, maglalatag ang economic team ng intervention measures tulad ng mga bagay na may kinalaman sa pagtiyak sa suplay ng langis, gas, kuryente, pagkain, at iba pa na inaasahang tatamaan sa nagpapatuloy na away ng Russia at Ukraine.