Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) sa mga worst case scenario matapos na makumpirma ang pagkakaroon na rin ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, inatasan niya na si Police Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, ang Deputy Chief for Administration at kasalukuyan ring ASCOTF commander na ihanda ang lahat ng medical equipment at supplies para sa mga pulis.
Pinatitiyak ni PNP chief kay Vera Cruz ang kaligtasan ng mga pulis na naka-deploy sa frontline sa pamamagitan ng pag-alam at pagbibigay ng kanilang mga pangangailangan.
Utos rin ni PNP chief kay Police Lt. Gen. Bong Dickson, Joint Task Force COVID Shield Commander, na lalo pang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) sa pagpapatupad ng mga alituntunin para protektahan ang bawat komunidad sa seryosong banta ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.
Matatandaang nitong nakalipas na buwan ng Marso ay puno ang lahat ng medical and quarantine facilities para sa mga PNP personnel sa Camp Crame dahil na rin sa dami ng mga naging infected ng COVID -19.
Panawagan naman ni Eleazar sa lahat na patuloy na seryosohin ang pagsunod sa mimimum public health safety protocol para sa kaligtasan ng lahat.