WPNS ng Philippine Navy, sinuspinde na dahil sa patuloy na COVID-19 threat

Inanunsyo na rin ng Philippine Navy na suspendido na muna pansamantala ang naka-schedule nilang Western Pacific Naval Symposium o WPNS at International Fleet Review o IFR na gagawin sana sa May 17, 2020.

Sa harap ito ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Wala pang schedule ang Philippine Navy kung kailan itutuloy ang naturang event depende sa magiging development ng kampanya kontra COVID-19 kung tuluyang huhupa na.


Ayon sa Philippine Navy, patuloy pa rin kasi ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa iba’t-ibang panig ng mundo kaya apektado ang 21 bansa na miyembro ng WPNS gayundin ang walong observer states.

Postponed na rin muna ang iba pang international maritime exercises tulad ng ASEAN Navy Chiefs Meeting, ASEAN Multilateral Naval Exercise at International Maritime Review.

Layon ng WPNS na palakasin pa ang kooperasyon ng mga bansang miyembro nito.

At dahil sa postponed ang naturang international event, naka-deploy ngayon ang sea, air at land assets ng Philippine Navy gayundin ang kanilang mga sailors at reservists para sumama sa mga frontliners ng Inter-Agency Task Force (IATF) na nagtutulong-tulong kontra sa COVID-19.

Facebook Comments