Iginiit ng isang abogado na hindi na kailangan ng Writ of Execution para tuluyang ilipat sa hurisdiksyon ng Taguig City ang sampung Embo barangay sa Makati City.
Ayon kay dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles, malinaw sa desisyon ng korte suprema na turnover ang dapat na gawin ni Makati City Mayor Abby Binay sa mga nasabing barangay.
Wala rin aniyang legal na basehan ang nakuhang opinyon ng alkalde mula sa Office of the Court Administrator na kailangan muna ng Writ of Execution at magpatupad ng transition period.
Dagdag pa ni Atty. Angeles, ang nasabing sitwasyon ay hindi ejectment case na kailangan ng nasabing dokumento para maisakatuparan.
Paliwanag pa nito, una na ring kinatigan ng Pasig City Regional Trial Court ang Taguig City noong July 8, 2011.
Kung saan iniutos nito na ang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang Parcels 3 at 4 ng PSU-2031 na kinabibilangan ng 10 embo barangay ay kumpirmadong bahagi ng Taguig City.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Angeles na pwedeng sumangguni ang Makati City sa Supreme Court ukol sa gusali na sakop ng pinag-aagawang mga lugar gaya ng mga paaralan at ospital.
Pero muli nitong nilinaw na sakop ng Taguig ang teritoryo nito.