XBB Omicron subvariant, hindi ‘cause of concern’; publiko dapat pa ring mag-ingat – health expert

Hindi man maituturing ang bagong Omicron subvariant XBB bilang cause of concern ay pinayuhan ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante ang mga Pilipino na mag-ingat at sumunod pa rin sa COVID-19 health protocols.

Sa isang panayam, sinabi ni Solante na nananatili pa rin namang stable ang positivity rate at bilang ng naitatalang bagong kaso kada araw.

Gayunman, hindi aniya dapat magpakampante ang publiko.


Sa ngayon, wala pang nade-detect na kaso ng XBB sa Pilipinas.

Ang bagong Omicron subvariant ay iniuugnay sa pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa Singapore kamakailan.

Sabi ni Solante, batay sa datos mula sa ibang mga bansa, kayang iwasan ng XBB ang antibodies mula sa mga bakuna at posibleng tumama sa maraming tao.

Maaari din itong magdulot ng mas maraming reinfections at mas maraming breakthrough infections.

Ang maganda naman aniya rito, hindi apektado ng XBB ang healthcare utilization ng mga bansang may kaso na nito dahil nagdudulot lamang ito ng mild symptoms.

Kaya para maiwasan ang sakit, pinayuhan ng health expert ang publiko na patuloy na magsuot ng facemask lalo na sa mga indoor setting gayundin ang mga eligible population na magpaturok na ng booster dose.

Facebook Comments