Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ang XBC variant ay “recombinant” o magkahalong Delta at BA.2 variants.
Gayunman, hindi pa anila matukoy ng global health agencies tulad ng World Health Organization (WHO) o ng European Centers for Disease Control ang panganib na dala ng nasabing variant.
Nanindigan naman ang DOH na ang XBB subvariant ang naging dahilan ng pagtaas na naman ng kaso ng infection sa Singapore.
Wala naman anilang matibay na katibayan na nakita ang Singaporean Ministry of Health na ang XBB variant ay nagdudulot ng severe na kalagayan sa mga nagpositibo rito.
Sa kabila nito, nilinaw ni DOH OIC Maria Rosario Vergeire na sa ngayon walang dahilan para maghigpit ang bansa o magpatupad ng bagong restrictions.
Tiniyak din ni Vergeire na handa ang kanilang sistema sakaling magkaroon ng pagtaas sa kaso ng infection sa bansa.