YAKAP outpatient cancer screening tests, binuksan na ng PhilHealth sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngayong araw

Binuksan na ngayong araw sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang “Yaman ng Kalusugan Program” o YAKAP outpatient cancer screening test.

Ito’y para pa rin sa mga pasyenteng nais na maagapan at malaman kung sila ba ay may cancer lalo na sa mga may sintomas at nararamdaman na sa kanilang pangangatawan.

Sa pamamagitan kasi ng bagong benipisyong ito ng PhilHealth para sa outpatient cancer screening maaari nang sumailalim sa screening ang mga pasyente na high risk sa pagkakaroon ng breast, lung, colon at liver cancer.

Ayon kay PhilHealth acting President and CEO Edwin Mercado, nais nilang matiyak ang dekalidad na serbisyo at abot kayang gamutan kung kaya inilunsad nila ang mas pinalawak na Yaman ng Kalusugan Program o “YAKAP” katuwang ang Department of Health (DOH).

Matatandaan sa inilabas na report ng Globocan 2022, cancer pa rin ang isa sa nangungunang dahilan ng pagtaas sa kaso nang mga namamatay sa mga Pilipino.

Kung saan umabot sa 189,000 ang mga pasyenteng may cancer at nasa 113,000 na rito ang namatay.

Sa pamamagitan ng “YAKAP” ng PhilHealth mas maiiwasan ang paglala ng sakit at mas tataas ang survival rate nito sa 99% para sa breast cancer at 90% para naman sa cervical cancer.

Facebook Comments