Hawak na ng mga awtoridad ang isang yate na pinaniniwalaang pinaglagyan ng mahigit isang toneladang shabu bago ito tuluyang nasabat sa isang checkpoint sa Alitagtag, Batangas noong Lunes.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, iniimbestigahan na sa kasalukuyan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang naging papel ng yate sa pagta-transport ng ₱9.6 bilyong halaga ng droga.
Sinasabing nanggaling ng Nasugbu, Batangas ang droga bago ito nasakote ng PNP.
Ani Marbil, may mga sasakyan o tao pang sinusundan sa kasalukuyan ang PNP sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa nasabat na droga.
Sa ngayon ani Marbil ay nagsasagawa na ng case build up ang pambansang pulisya laban sa arestadong suspek at iba pang mga posibleng sangkot kung saan tiniyak din nitong magiging air tight ang kaso laban sa mga ito.