YEAR END REPORT | Mga accomplishments ng Duterte administration, ibinida

Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Malacañan ang mga nagawa ng pamahalaan sa “The Duterte Administration Year-End Report, 2017 key accomplishments.”

Sa 63 pahinang year-end report, ibinida ng palasyo na mahigit 1.3 milyon na mga drug user ang sumuko sa pamahalaan habang nasa 118,287 tao ang naaresto sa 79,193 na operasyon ng mga otoridad.
Nasa 3,967 naman na mga sangkot sa droga ang napatay habang papalo sa P19 billion na halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng PNP, PDEA, NBI at BOC.
Kasama rin sa ibinida ng pamahalaan ang 2.32 percent na paglago sa sektor ng agrikultura sa ikatlong quarter ng 2017 at 4.64 percent na pagtaas ng agricultural production hanggang noong buwan ng Setyembre.

Sa larangan ng edukasyon, mahigit 36,000 classrooms at kalahating milyong silya ang naidagdag sa mga paaralan.


Hindi rin nakaligtaan ang pagsasabatas sa libreng edukasyon hanggang sa kolehiyo.

Ibinida rin sa report ang paghahabol ng pamalahan sa tax liabilities ng Philippine Airlines (PAL) at ng Mighty Corporation.

Nakapag-uwi rin ang Pangulong Rodrigo Duterte ng multi-billion pesos na investment para sa “Build, Build, Build” Program ng pamahalaan sa kanyang mahigit 10 foreign trips.

Bukod pa rito ang economic gain at pagpapalakas ng diplomatic relations ng Pilipinas sa ibang bansa.

Facebook Comments