Yellow Alert status sa suplay ng kuryente, itinaas na rin sa Mindanao; Red Alert status, itataas naman sa Luzon at Visayas

Itataas na rin ngayong araw ang Mindanao sa Yellow Alert status dahil sa patuloy na pagnipis ng suplay ng kuryente sa buong bansa.

Sinabi ni Department of Energy (DOE) Assistant Secretary Mario Marasigan sa panayam ng RMN Manila, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ang Red Alert status ay itataas naman sa Luzon at Visayas grid ngayong araw.

Ang Red Alert status ay itataas dakong alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon habang ang Yellow Alert ay itataas naman dakong ala-una hanggang alas-3:00 ng hapon at mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi.


Pero sa kabila nito, tiniyak ni Marasigan na sapat ang suplay ng kuryente sa buong bansa.

Paliwanag niya, ang alerto sa Luzon hanggang Mindanao ay dahil na rin sa manipis na suplay ng kuryente bunsod ng ilang araw na preventive maintenance ng ilang planta ng kuryente.

Maliban dito, mataas din ang demand ng suplay ng kuryente kapag mainit ang panahon.

Samantala, ginagawa na aniya ng NGCP ang lahat para mapagdugtong-dugtong ang linya ng kuryente mula Luzon hanggang Mindanao para mapatatag pa ang suplay nito.

Facebook Comments