Yellow at Red Alert status, posibleng matapos na ngayong Mayo

Inaasahang matatapos na ngayong Mayo ang pagpapatupad ng Yellow at Red Alert Status ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa ginanap na Quezon City Journalist Forum, sinabi ni Isidro Cacho Jr., ang Head ng Trading Operations Department – Independent Electricity Market Owner of the Philippines (IEMOP), hindi na aabot sa susunod na buwan ang nararanasang Yellow at Red Alert sa Luzon at Visayas grid.

Aniya, babalik na sa normal ang suplay ng kuryente dahil humuhupa na ang mainit na temperatura sa bansa bunsod ng naitatalang mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang rehiyon.


Kumpiyansa si Cacho na lalaki ang ‘suplay margin’ dahil sa inaasahang pagpasok ng La Niña na nagre-resulta ng pagbaba ng demand sa kuryente.

Binigyang-diin din ni Cacho na maaaring tumaas ang available capacity sa suplay ng kuryente kung makakabalik na sa normal ang mga planta na isinailalim sa force outages.

Tiniyak naman ng pribadong sektor na nakahanda ang kanilang tanggapan sa posibleng epekto ng La Niña sa bansa.

Facebook Comments