Istilong nangangampanya ang dating ng ilang kumakandidato sa local elections sa loob ng Bagbag Cemetery, ang pinakamalaking public cemetery sa Quezon City.
Ayon sa Head Security Luisito Masagca, nairita umano ang isang pulitiko nang sitahin dahil nag-set up ng tent na may tarpaulin na malaking larawan ng mukha at namimigay ng bottled water.
Isa pang kandidato na artista ang dinadaan naman sa pakikipag-selfie at pakikipagkamay sa mga pumapasok sa sementeryo.
Ayon kay Masagca, dapat magkaroon ng hiya ang mga pulitiko dahil isang nonpartisan na lugar ang sementeryo.
Iba’t ibang fraternity group naman ang nagkakaloob ng tulong sa mga dalaw sa Bagbag Public Cemetery.
Sa kabila nito, maluwag namang nakakapasok ang mga bumibisita sa sementeryo para sa kanilang yumaong mahal sa buhay.
Ayon sa mga operatiba ng Quezon City Police District at security ng sementeryo, posibleng dumami ang bilang ng dalaw dahil mananatiling bukas ang Bagbag Public Cemetery hanggang mamayang 10:00pm at muling bubuksan bukas ng 6:00am.