Aabot sa 1,005 indibidwal ang nawawala pa rin hanggang sa ngayon sa Samar at Leyte matapos ng pagtama ng Supertyphoon Yolanda noong 2013.
Ayon kay Office of Civil Defense Spokesman Edgar Posadas, hindi pa idinideklarang patay ang mga higit isang libong indibidwal.
Kailangan aniyang kumuha ang pamilya ng mga nawawalang indibidwal ng court ruling bago silang ideklarang patay.
Batay sa civil code ng Pilipinas, ang mga nawawalang tao matapos tumama ang isang kalamidad ay maidedeklara lamang patay kapag hindi pa rin ito natatagpuan sa loob ng apat na taong paghahanap.
Ang pamilya ng mga ito ay makakatanggap din ng tulong mula sa gobyerno.
Sabi ni Posadas, nakapaglabas na sila ng 4,000 death claims sa pamilya ng mga biktima.
Batay sa official death toll ng gobyerno, aabot sa higit 6,000 ang namatay sa bagyo habang 1,800 ang nawawala.