Yorme, dismayado sa ilang vendors sa Divisoria

Dismayado si Manila Mayor Isko Moreno nang mag-ikot siya sa Divisoria ngayong umaga ng Lunes.

Maagang naglibot ni Yorme sa Divisoria, pero naabutan niya ang Divisoria lalo na ang Ilaya Street, na sandamakmak ang mga basura.

Karamihan sa mga basura ay mga bulok na gulay, dahil sa kahabaan ng Ilaya ay may mga vendor na nauna nang pinayagan.


Ayon kay Moreno, mistulang hindi nahihiya ang ibang vendor at kailangan pang sorpresahin.

Aniya pa, pinaghahanapbuhay naman ng lokal na pamahalaan ang mga vendor, pero bakit ang iba ay walang kusa.

Tatanggalin na raw ni Yorme ang mga vendor sa Ilaya Street papunta ng Binondo, dahil sa isyu ng basura.

Muli namang pinaalalahanan ni Yorme ang mga vendor na kolektahin ang kani-kanilang mga kalat.

Samantala, mariing itinaggi ni Manila Mayor Isko Moreno na papayagan nila muling makapagtinda ang mga vendors sa kahabaan ng recto sa Divisoria.

Ito ang naging pahayag ni Yorme Isko matapos kumalat ang balita na nagbalikan ang mga vendor sa Divisoria.

Ayon kay Moreno, nakarating sa kaniya na may mga organizers na nagpapakalat ng isyu pero ngayon pa lamang ay pinaalalahanan niya ang publiko na walang maaaring magtinda sa kahabaan ng Recto ngayong Kapaskuhan.

Sinabi pa ni Yorme na bago pa lamang siya maupo bilang alkalde ng Maynila ay mga nagtitinda na sa mga kalye sa Divisoria tulad ng Ilaya, Carmen Planas, Tabora, Sto. Cristo at Elcano.

Pero kinakailangan sumunod ang mga vendors sa ipinag-utos ng lokal na pamahalaan.

Kinakailangan na huwag sakupin ang bangketa, may madadaanan ang tao, mga motorista, malinis at maayos ang paligid.

Paalala din ni Yorme na P20.00 lang ang bayad tuwing umaga at P20.00 sa gabi ang bayad kung saan mayroon itong resibo mula sa lokal na pamahalaan.

Facebook Comments