Isang social media influencer sa Madrid, Spain ang napatawan ng 15 buwang pagkakakulong at 20,000 euros, matapos ang prank video kung saan binigyan niya ng biscuit na pinalamanan ng toothpaste ang isang pulubi.
“Guilty of an offense against moral integrity” ang naging hatol ng Barcelona court, nitong Biyernes, kay Kan-Hua Ren, o mas kilala bilang ReSet, dahil sa video na inupload nito sa kanyang channel noong January 2017.
Nahaharap ang YouTuber sa 15 buwang pagkakakulong na malabo niyang gugulin dahil umano hindi isinasakatuparan sa Spain ang hanggang dalawang taong pagkakakulong para sa first-time offenders ng “non-violent crimes.”
Pinagbabayad din si Ren ng 20,000 euros o halos 22,000 US dollars para sa pinsala sa biktima at ipasasara rin ang YouTube channel nito nang limang taon.
Ayon sa judge, sumuka ang biktima matapos pakainin ng biscuit na pinalamanan ng toothpaste na ibinigay ni Ren, kasama ang isang 20-euro bill.
Nang umani ng batikos ang video, gumawa ng panibagong video si Ren kung saan binalikan niya ang pulubi at binigyan ng isa pang 20 euros.
Ayon naman sa pulisya, sinubukan din ni Ren na pigilan magreklamo ang biktima kapalit ng 300 euros.