
CAUAYAN CITY – Isinagawa ang pagpupulong ng Regional Interagency Committee on Environmental Health (RIACEH) upang talakayin ang patuloy na pagtaas ng mga insidente na nauugnay sa Yuletide season sa Lambak ng Cagayan.
Ayon sa tala, umabot sa 396 na kaso ang naitala ngayong taon, na binubuo ng 359 Road Traffic Injuries (RTIs) at 37 Fireworks-Related Injuries (FWRI).
Ang kabuuang bilang ay mas mataas ng 236% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pagpupulong ay naglalayong tukuyin ang mga sanhi ng pagtaas ng mga insidenteng ito at bumuo ng mga epektibong solusyon upang mabawasan ang mga panganib sa panahon ng selebrasyon.
Dinaluhan ang pulong ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang DOH-Cagayan Valley Regional Line Agencies (RLAs), Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Economic and Development Authority (NEDA), Provincial Health Offices, Public Health Units ng mga ospital, Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) at iba pang safety officers.









