Naka-engkwentro ng 79th Infantry Batallion sa ilalim ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army ang grupo ng New People’s Army (NPA) guerilla front, Northern Negros Front ng Komiteng Rehiyon-Negros, Cebu, Bohol, Siquijor sa Sitio Nabalas Dos ng Barangay Canlusong, EB Magalona sa Negros Occidental kamakailan.
Nagtaggal ng 15 minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng NPA at militar, kung saan nag-iwan ito ng 2 patay sa panig ng mga rebelde at pagkakakumpiska ng dalawang M16 Assault Rifles at isang M14 Rifle.
Kinabukasan, agad nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad dahilan para makumpiska nila ang iba’t ibang war materiels, isang AR15 Assault Rifle, isang M16 Assault Rifle, isang M1 Garand Rifle, apat na Rifle Grenades at mga live ammunitions.
Ayon kay Lieutenant General Benedict Arevalo PA, Commander ng Visayas Command (VISCOM), habang papalapit ang BSKE hindi titigil ang militar sa pagkakasa ng operasyon sa layuning maging maayos at mapayapa ang darating na eleksyon.
Nabatid na ngayong 3rd Quarter ng taon, nakapag-neutralisa ang VISCOM ng 79 NPA terrorists sa Visayas region at pagkakasamsam ng 110 firearms at 25 Anti-Personnel Mines.