Zaldy Co, posibleng nagtatago sa Portugal at gumagamit umano ng Portuguese passport — DILG

Hinihinalang nagtatago sa Portugal ang wanted na si dating Ako-Bicol Rep. Zaldy Co.

Sa Malacañang press briefing, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na may impormasyon silang nagpapakitang posibleng gumagamit si Co ng Portuguese passport, kaya nakalusot ito kahit kanselado ang kanyang Philippine passport.

Wala ring extradition treaty ang Pilipinas at Portugal, dahilan para maging mas mahirap ang pag-uwi sa kanya pabalik sa bansa.

Nanawagan naman si Remulla sa mga Pilipino sa Europa na ibahagi ang litrato, video, o anumang patunay sakaling mamataan si Co para agad mahanap at maaresto.

Samantala, kumpirmado namang nasa Pilipinas pa si Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil na wanted din dahil sa kasong graft kaugnay ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub na Lucky South 99.

Ayon kay Remulla, may senyales nang susuko si Capil matapos magpadala ng mensaheng nagpapahiwatig ng posibleng pagsuko sa mga awtoridad ngayong linggo.

Facebook Comments