Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na wala nang backlog sa license cards at plaka ng mga sasakyan pagdating ng July 1.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza na wala nang dahilan para hindi matugunan ang mga kailangang cards sa buong taon dahil nasa 9.7 million na lisensya na ang na bid out ng Department of Transportation (DOTr).
Ibig sabihin, maaari nang kunin ng mga motorista na may hawak na lisensyang papel ang kanilang mga license card sa LTO habang maaari na ring mag-renew ang mga mag-i-expire ang lisensya sa Hunyo.
Samantala, nasa 1.5 million na rin ang mga plaka ng LTO na sapat para tugunan ang kanilang mga planta.
Dahil dito, inaasahang maipalalabas na ng ahensya bago matapos ang 2024 ang mga plaka ng sasakyan na ini-apply sa LTO mula 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Pagsapit din aniya ng July 1 ay wala na dapat na mga temporary plate kun’di ang mga permanenteng plaka na ng mga sasakyan.