Inihirit ng isang kongresista ang zero budget para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ay kasunod ng hakbang ng Senate Committee on Finance na tapyasan ang pondo ng NTF-ELCAC sa 2022 budget kung saan mula sa P28 billion ay P4 billion na lamang ang alokasyong isinusulong dito.
Ayon kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas, welcome ang desisyon ng Senado na bawasan ang pondo ng NTF-ELCAC ngunit makakabuti kung tuluyang aalisan na ng pondo ang Barangay Development Program ng ahensya.
Giit ng kongresista, ito aniya ang kanilang itinutulak sa kasagsagan ng pagtalakay ng pambansang pondo sa Kamara dahil palpak umano ang Task Force na makapagbigay ng legal authority at documentation para pangatwiranan ang “general’s pork” na nagkukubli bilang mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan.
Inirekomenda ng mambabatas na ilipat sa Protective Services Programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P24 billion para may standby funds ang ahensya sa mga ayuda.
May hiwalay ring P2 billion ang NTF-ELCAC sa bawat ahensya ng gobyerno na iminungkahi ring i-realign sa ilang mga pampubliko at Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) hospitals na tinapyasan ang pondo sa susunod na taon.