Inatasan ni Mayor Along Malapitan ang Caloocan City Police Station na siguraduhin ang zero crime rate sa paggunita ng Holy Week 2023.
Kaugnay nito, nais ng alkalde na dagdagan pa ang mga magbabantay na mga pulis lalo na sa mga pampublikong lugar, simbahan, transport terminal at mga pangunahing kalsada.
Nauna nang inilatag ng Caloocan LGU ang kanilang “Alalay sa Manlalakbay” program kung saan ito ang magsisilbing help desk para sa mga motorista at residente na makikiisa sa mga aktibidad ngayong Semana Santa.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Mayor Along na mananatiling naka-alerto ang lahat ng departamento ng lokal na pamahalaan sakaling kailanganin ng tulong habang 24/7 din silang naka-monitor.
Maging ang barangay officials ay inatasan din ng alkalde na tuloy-tuloy na magronda upang maiwasan ang pananamantala ng mga masasamang loob habang nasa bakasyon ang ilang mga residente ng Caloocan.