
CAUAYAN CITY – Ipinasakamay ng Department of Agriculture Regional Field Office No. 02 ang Zero Energy Cooling Chamber (ZECC) sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang naturang pasilidad ay produkto ng pagsisiyasat ng DA Cagayan Valley Research Center kung saan mayroon itong double screen structure, charcoal cavity material (low-cost storage), at hindi na kailangan ng enerhiya.
Malaking tulong umano ito upang mabawasan ang post-harvest losses at pagtatapon ng mga kamatis dahil sa oversupply dahil may kapasidad itong pahabain ng shelf-life at panatilihin ang kalidad ng mga gulay sa loob ng 31 araw.
Sa pahayag ni Regional Executive Director Mary Rose Aquino, plano nilang mag-mass produce ng ZECC para sa mga vegetables growers, local government units, merkado, at trading centers.
Sinabi rin nito na may mga karagdagang units ng ZECC na ipapadala ang ahensya sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal ngayong linggo.