Cauayan City – Patuloy na pinalalakas ng PNP Isabela ang kanilang kampanya laban sa maling paggamit ng paputok upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan ngayong darating na Bagong Taon.
Mahigpit na binabantayan ng kapulisan ang mga firecracker zones sa lalawigan sa pamamagitan ng mga regular na inspeksyon. Sinisigurado nila na sumusunod ang mga nagtitinda ng paputok sa umiiral na mga regulasyon. Ang sinumang mahuhuli sa paglabag ay kaagad na pinapanagot ng mga otoridad.
Bukod sa pagpapatrolya, nagsagawa rin ang PNP ng mga community awareness sessions upang ituro sa publiko ang tamang paggamit ng paputok at hikayatin ang alternatibong paraan ng pagdiriwang tulad ng paggamit ng torotot, musika, at mga makabagong pailaw.
Layunin ng kampanya na maiwasan ang sunog at pinsala sa ari-arian at masiguro ang ligtas at masayang pagsalubong ng Bagong Taon.
Ayon kay PCol Lee Allen Bauding, Provincial Director ng PNP Isabela, hindi sila titigil sa pagpapatupad ng kampanyang ito hanggang sa matapos ang holiday season.
Ang kanilang ultimong layunin ay makamit ang zero-firecracker-related incidents sa buong lalawigan kung saan hinihikayat niya ang publiko na makiisa sa kampanya para sa kapakanan ng bawat pamilya sa Isabela.