
Siniguro ng Department of Education o DepEd na ipatutupad nila ang zero tolerance policy laban sa isang gurong nagmalupit sa isang estudyante.
Una rito, kinumpirma ng DepEd na nakatanggap ng reklamo ang kanilang Schools Division Office sa Maynila sa pang-aabuso ng isang guro sa estudyante nito sa Tondo sa Maynila.
Inaresto ng Manila Police District ang naturang guro, matapos niyang pakainin umano ng ipis ang lalaking estudyante na nakahuli sa kaniya na minomolestiya ang isang babaeng estudyante sa loob ng palikuran.
Ayon sa DepEd, hindi nila kukunsintihin ang ano mang uri ng pang-aabuso sa mga mag-aaral.
Wala rin umanong lugar sa mga paaralan ang pang-aabuso, at sino mang masasangkot dito ay papanagutin sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal.
Dahil dito, inatasan na nila ang kanilang Learner Rights and Protection Division na gumawa ng karampatang aksyon at tiyaking mapoprotektahan ang naturang mag-aaral.
Kabilang na rito ang pagbibigay ng psychosocial support at close monitoring sa kalagayan ng biktima.
Siniguro naman ng kagawaran na magiging mabilis at patas ang kanilang imbestigasyon sa insidente ng pang-aabuso.









