Target ng pamahalaan ang zero transmission ng COVID-19 sa ilalim ng “Oplan Kalinga”.
Ito ang inihayag ng Malacañang kasunod ng paglulunsad ng national government sa programa kung saan hihimukin ang mga asymptomatic at may mild symptoms ng COVID-19 na magpa-confine sa mga isolation facilities ng pamahalaan ng libre.
Binigyan diin ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang paghihiwalay sa mga taong positibo sa COVID-19, pero asymptomatic ay ang pinakamabisang paraan para mapigilan o mapabagal ang pagkalat ng virus.
Sa ilalim ng Oplan Kalinga, ang mga asymptomatic at may mild cases na may mga kasamang matatanda, buntis, walang sariling isolation room, at palikuran sa kanilang tirahan ay hihimukin ng pamahalaan na magpa-confine na lang sa mga pasilidad ng gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na walang dapat ipangamba ang publiko sa partisipasyon ng mga pulis sa Oplan Kalinga.
Paglilinaw ni Eleazar, ang pagtiyak na maipapatupad ng maayos ng mga health workers at Local Government Units at matiyak ang kaligtasan ng mga ito ang tanging papel ng Philippine National Police sa programa.
Nabatid na ang PNP-quick response team na binubuo ng PNP-health service ang ide-deploy para sa Oplan Kalinga.