Zero veto sa mga panukalang batas, target ngayong 18th Congress

Target ng Kongreso na makamit ang “zero veto” para sa lahat ng mga panukalang aaprubahan ng Kamara at Senado.

Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, matapos ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting kahapon, napagkasunduan nilang magsagawa ng regular na buwanang pagpupulong upang matiyak na maaaprubahan ang lahat ng priority measures ni Pangulong Duterte.

Sa ganitong paraan aniya ay matitiyak ang maayos na proseso at maiiwasan na ma-veto ng Pangulo ang mga panukala.


Tinitiyak ng small group na binuo na ang regular na pagpupulong at magbibigay ng magandang ugnayan at koordinasyon sa Kongreso at mga cabinet members upang masigurong mabilis ang pag-facilitate at pag-harmonize sa mga panukala lalong-lalo na ang mga itinuturing na priority measures ng Pangulo.

Tiniyak pa ni Romualdez na hindi nila sasayangin ang oras, pagod at salapi ng bayan para sa pag-apruba ng mga mahahalagang panukalang batas.

Makikipagtulungan din ang Kongreso sa Presidential Legislative

Liaison Office (PLLO) upang alertuhin sila sakaling may mga probisyon sa mga panukala na kakailanganin ng masusing talakayan sa pagitan ng mga house members.

Samantala, ilan naman sa mga inisyal na priority measures na napagkasunduan ng small group na aprubahan agad bago ang session break ang 2020 national budget, pagtatatag ng Department of Overseas Filipino workers (OFWs), pag-amyenda sa Public Service Act, pagpapataw ng mas mataas na excise tax rates sa alcohol, pag-institutionalize ng “Malasakit centers” at paglikha ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities or Trabaho.

Facebook Comments