Zigzag track ng Chinese research vessel sa WPS, dubious o kaduda-duda —PN

Hindi pangkaraniwan ang “zigzag track” na galawan ng Chinese research vessel na Ke Xue San Hao sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Philippine Navy (PN) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kahina-hinala at may indikasyon na may ibang ginagawa ang Chinese research vessel.

Paliwanag pa nito, para maituring kasing innocent passage ang pagdaan ng barko, dapat ay dire-diretso ang takbo at dapat ay dumaan sa pinakamalapit na ruta.


Pero hindi umano ganito ang galaw ng San Hao.

Sa ngayon, sinabi ni Trinidad na nasa 16 to 20 nautical miles na ang kinalalagyan ng Chinse research vessel sa Sabina Shoal.

Aniya, puro radio challenge lamang ang kanilang ginagawa pero kanila na itong inireport sa mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Base sa datos ang Ke Xue San Hao, ay may advanced technology na may kakayanan para sa komprehensibong pagmamasid sa kapaligiran ng dagat, pagtuklas, pagsa-sample, at pagsusuri.

Nabatid na ang barko ay umalis mula sa Panganiban Reef noong Hulyo 26 at mula doon ay dumaan sa ilang kritikal na lokasyon, kabilang ang Ayungin Shoal, Raja Soliman Shoal, Bulig Shoal, Hasa Hasa Shoal, Abad Santos Shoal, at kalaunan ay nakarating sa Escoda Shoal.

Facebook Comments