Zone-level na earthquake drills sa Maynila, isinusulong bilang paghahanda sa “The Big One”

Ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga barangay zone leaders na maglatag ng mga plano sakaling tumama ang malakas na lindol.

Kasama na rito ang pagdaraos ng regular na simulation exercises para masigurong handa ang mga residente sa kalamidad.

Ayon sa alkalde, pinaiigting na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang disaster-readiness programs.

Pero mahalaga aniyang makiisa rito ang mga residente upang maging bahagi ng paghahanda.

Dahil dito, iminungkahi sa mga opisyal ng barangay na magdaos ng zone-level earthquake drills sa magkakaibang oras upang maging makatotohanan ang preparasyon.

Una nang ibinabala ng mga eksperto na malaki ang tyansang marami ang masawi sa pagtama ng “The Big One” o malakas na lindol dulot ng paggalaw ng West Valley Fault.

Facebook Comments