Binawi na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang kanyang inihain na panukalang batas na pag-synchronize ng school calendars sa lahat ng mga paaralan kung saan ang pasukan ay sisimulan sa buwan ng Agosto.
Ayon kay Zubiri, nagdesisyon siyang bawiin ang Senate Bill 788, na una niyang inihain noong nagsisimula pa lang ang 19th Congress, bilang pagpapakita ng kanyang suporta sa mga panukala na ibalik sa dating kalendaryo ang pasukan sa mga paaralan kung saan ang bakasyon ng mga estudyante ay nagsisimula ng Marso hanggang Mayo at Hunyo naman ang simula ng mga klase.
Sinabi ng senador na nakita naman na napakadelikado ng sobrang init ng panahon para sa mga kabataan at mga guro at hindi hamak na mas marami ang suspensyon ng klase ngayon kung ikukumpara sa dating school calendar.
Aminado si Zubiri na hindi kaaya-aya para sa learning environment ng mga kabataan kung ang init na nararanasan sa loob ng mga paaralan ay pumapalo ng 35 hanggang 40 degrees Celsius.
Umaasa ang Senate President na itutulak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang muling pagbabalik ng summer break ng mga estudyante na karaniwang nagsisimula sa ikalawang linggo ng Marso at nagtatagal hanggang unang linggo ng Hunyo.