Matapos ng dalawang sunod na linggo na taas-presyo ng mga produktong petrolyo, sasalubong naman sa mga motorista ang bawas-presyo nito.
Ito ay kinumpirma ni Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Atty. Rino Abad sa interview ng RMN Manila, kung saan sinabi nito na mataas ang indikasyon na posibleng magkaroon ng rollback sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Abad, mababa sa ₱1 kada litro ang inaasahang pagbaba ng presyo sa mga produktong petrolyo.
Dagdag pa ni Abad, nagdududa ang pandaigdigang merkado na ang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay makakapagbawas ng produksyon ng langis ng dalawang milyong bariles sa susunod na buwan.
Samantala, batay naman sa pagtataya ng ilang oil trading sa nakalipas na apat na araw, maaaring bumaba ng ₱0.40 hanggang ₱0.70 ang presyo kada litro ng diesel.
Habang, ang presyo ng gasolina ay posibleng magkaroon ng tapyas ng ₱0.20 hanggang ₱0.50 kada litro.