₱10 million pesos na halaga ng overpriced thermal scanners, face masks at isopropyl alcohol, nasabat ng NBI sa raid sa Maynila at Rizal

Sinalakay ng National Bureau of Investigation o NBI ang ilang tindahan ng medical supplies sa Maynila at Rizal.

Pinangunahan mismo ni NBI Director Eric Distor ang raid sa Sta. Cruz sa kahabaan ng Rizal Avenue sa Manila kung saan nasabat nila ang 1,360 pieces ng thermal scanners at 7,680 pieces ng face masks na nagkakahalaga ng mahigit ₱10 million.

Ang raid ay kasunod ng impormasyon na nakarating sa NBI na ang nasabing tindahan ay nagbebenta ng thermal scanners sa halagang ₱8,000.00 per piece na dapat sana ay ₱1,000 lamang.


Ang nasabing tindahan ay nagpaskil pa sa pinto ng establishment ng karatula na may nakasulat na “OUT OF STOCK THERMAL SCANNER” at “OUT OF STOCK ANY KIND OF MASK”.

Pero nang pasukin ito ng NBI agents, nakuha nila ang 1,360 thermal scanners at kahon-kahong face masks na umaabot sa 7,680 pieces.

Naaresto naman ang assistant manager, kahera at salesladies ng tindahan habang hindi naabutan ng NBI ang may-ari nitong si Rudy Miranda.

Sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act of the Philippines.

Sunod naman na sinalakay ng NBI ang Professional Skin Care Formula ni Dr. Alvin sa Taytay, Rizal dahil sa pag-overprice sa Isopropyl alcohol kung saan ang isang galon ay ibenebenta ng 750 pesos.

Kakasuhan naman ng NBI ang may-ari ng establishment na si Lyndy Marollano at tauhan nitong si Annabele Tirados Mendoza, ng paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act of the Philippines.

Facebook Comments