Inirekomenda ng mga kongresista sa Makabayan na gamitin na lamang na pandagdag sa sweldo ng mga manggagawa ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa inihaing House Bill 9262 ng Makabayan, layon nitong magkaloob ng ₱100 na emergency daily wage subsidy para sa 23 million na mga manggagawa sa bansa.
Tinukoy ng mga kongresista ang ₱19 billion na pondo ng NTF-ELCAC na maaaring ilipat o ibigay na lamang sa mga manggagawa upang mapakinabangan kasunod ng mga panawagan na buwagin ang task force.
Batay sa ginawang pag-aaral ng Ibon Foundation, bumaba ng ₱100 ang purchasing power ng mga minimum wage earners dahil sa inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Bukod dito, lumalabas pa sa ginawang pag-aaral na ang totoong halaga ng ₱537 na minimum na sahod sa NCR ay ₱434.
Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite na dapat nang kumilos ng pamahalaan para maumentuhan ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa dahil kahit dagdag na ₱100 lamang ay malaking tulong na ito lalo ngayong may pandemya.