Isinusulong sa Kamara ang pagbibigay ng ₱10,000 cash assistance sa mga pamilyang Pilipino na apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa House Bill 8597 na inihain nila Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, Taguig Rep. Lani Cayetano at mga kaalyado sa Mababang Kapulungan, ipinatatatag ang “Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program.”
Prayoridad naman na mabigyan ng P10,000 cash assistance o ₱1,500 sa bawat myembro ng pamilya ang mga senior citizen o nakatatanda, persons with disability o PWDs, solo parents, displaced workers o nawalan ng trabaho, medical frontliners, mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs, at mga miyembro ng vulnerable sector.
Kasama rin sa inaasahang mabibigyan ng pinansyal na tulong ang mga indibidwal na bigong makakuha ng ayuda mula sa Social Amelioration Program o SAP at Philippine National ID holders.
Sa oras na maging ganap na batas, inaasahan na mapapalakas nito ang household spending na makakatulong naman sa pag-ikot ng ekonomiya.
Huhugutin naman ang pondo rito sa unprogrammed funds at savings ng 2020 at 2021 General Appropriations Act o kaya ay papasok ang pamahalaan sa loan program.