Mariing itinanggi ni House Appropriations Committee Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang inihayag ni Albay Congressman Edcel Lagman na gagamiting pampondo para sa Charter Change ang ₱12 bilyong idinagdag sa 2024 budget ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Co, idinagdag ng Kongreso ang naturang halaga bilang tugon sa hiling ni Comelec Chairman George Garcia matapos tapyasan ng Department of Budget and Management ang pondo nila sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP).
Binanggit ni Co na ₱19.4 billion ang orihinal na hiling na budget ng Comelec pero nasa ₱2 billion na lang ang nailagay sa NEP.
Diin pa ni Co, sa 2024 budget ay lumalabas na ₱14 billion lang ang inaprubahang pondo para sa Comelec dahil ang ₱5.4 billion naman ay ipinasok sa unprogrammed funds.
Bunsod nito ay sinabi n Co na malisyoso ang mga pahayag ni Congressman Lagman, lalo’t tanging ang Comelec lamang ang maaring gumastos sa pondo nito.