₱12 billion, posibleng mawala sa kita ng bansa dahil sa pagbaba ng taripa sa imported na karneng baboy; “support” hindi “import” panawagan ng isang kongresista

Binalaan ni Deputy Speaker Benny Abante, na posibleng umabot sa ₱12 bilyon ang mawawalang kita ng pamahalaan dahil sa pagbaba ng taripa sa mga imported na karneng baboy.

Giit ni Abante, ang mawawalang revenue na ito ay malaking tulong na sana sa mga local hog raisers na i-repopulate ang kanilang mga baboy.

Paliwanag pa ng kongresista, sa ₱10,000 na halaga ng bawat baboy ay makapagbibigay sana ang gobyerno ng 1.2 million na baboy para sa muling pagpaparami.


Dahil dito, umaapela si Abante na dapat ikunsidera ng Department of Agriculture (DA) at ng pamahalaan ang benepisyo ng pagbibigay suporta sa long-term health at viability ng local hog industry sa halip na short-term gains tulad ng importasyon.

Giit ng mambabatas, mismong ang DA ay hindi rin magarantiyahan na mapapababa nga ng pagtaas ng importasyon ng karneng baboy ang presyo nito sa mga palengke.

Naniniwala pa ang kongresista na mas maraming suporta sa mga magbababoy sa bansa ay mas mabilis silang makakabawi sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Facebook Comments