Aabot sa ₱150 milyong halaga ng hinihinalang shabu na ibiniyahe patungong Cebu ang nakumpiska ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Group (NCRPO-RSOG) at ng Quezon City Police.
Ito ay matapos na sundan ng mga otoridad ang ibiniyaheng iligal na droga ng bigtime courier hanggang sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Itinimbre mismo sa mga otoridad ng impormante ang madalas na pagbibiyahe ng isang Gilbert F. Lumanog ng iligal na droga patungong Cebu City mula Quezon City.
Nagkaroon ng koordinasyon ang mga otoridad sa lokal na pulisya habang nagsasagawa ng case build-up, surveillance at monitoring at pagkalap ng impormasyon.
Nasundan din ng mga otoridad ang Toyota Vios na may plakang YKL 974 at nasaksihan ang pakikipagkita ng sakay nito sa ilang tao na nag-aabot ng paper bags, plastic at iba pang container na kaduda-duda.
Bunga nito, agad na nagkasa ng buy-bust operation ang pulisya laban sa suspek at nakuha sa kaniya ang 22.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱150,280,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.